Monday, December 31, 2012

Sigaw ng Bulkan

Kailanma'y hindi mawawala sa buhay ng tao ang mga EPAL, AGAW-EKSENA, at kung ano pa mang tawag sa mga extra na gumugulo sa buhay mo. Pwedeng tao, pwedeng pangyayari. Ang masakit pa, kadalasan, ang mga agaw-eksena na iyon, ay ang mga taong nakakasama mo lang sa bahay, laging nakikita, at higit sa lahat, mahalaga sila sayo. O di kaya'y mga pangyayaring kahit gusto mong kalimutan, siya pa itong bungad sa isipan mo, pagkagising sa umaga. 

Marami tayong pinagsisisihan. Ngunit kahit ganoon, sa puso natin, may nagsasabing tama lamang na ginawa mo iyon, o nasabi mo iyon. Bakit? Dahil galit ka. May iba na sa galit na lamang nabubuhay. Kahit sa kabutihang pinapakita ng iba ay hindi na nagpapasalamat, o maaaring dahil nabulag na ito ng galit at tanging 'black and white' na lang ang nakikita sa mundo. Marahil nagtataka ka kung bakit hindi purong kadiliman ang sinabi ko. Black-white ang sinabi ko, dahil ang bawat isa ay may pag-asa at may pagkakataon. Hindi lamang  ito pinapansin. 

Kung paano mapansin ang pag asang ito, maging ako, hindi ko alam. Isa lamang akong hamak na batang babae, ni sariling pangarap ay tinapon na lamang. Naniniwala ako na kahit anong gawin ko, tanging ako lamang ang makakatulong sa aking sarili, at ang nasa itaas. Ang tao ay tao. Madalas, kahit alam na ang tama sa mali, mas pinipili pa nito ang magkasala. Ang tao ay tao. May ibang nasa loob ang kulo. Ako ay hindi perpekto, at maalam para masabi ang lahat ng ito. Sa oras na ginagawa ko ito, punung puno ng kabigatan ang aking loob, naiiyak, nagwawala, at hindi alam ang gagawin. Hindi mo pwedeng ikatwiran na nananahimik ka lang, kaya't may karapatan kang magalit pag may umEPAL sa momentum mo. Ang tao ay tao. 

Sa totoo lang, ayokong may masabing masama sa aking kapwa. Hindi ko pinapaganda ang pagkakilanlan niyo sakin. Kung sabagay ay hindi lang naman siguro ako ang ganoon. Marahil lahat naman tayo, hindi lang natin napagtatanto, dahil sa galit. Nabubulag tayo. TAYO. Isinasama ko ang inyong lingkod, dahil ayokong mawalan ng respeto sa aking sarili. Ako, na kahit nagkakamali, at nagagalit at puno ng dungis ang mga pisngi dahil sa kasalanan, nabubulag ng galit sa ibang pagkakataon, ay patuloy na ginagalang ang sarili kong desisyon at ang aking pagkatao, dahil ang tanging inaasahan ko lamang, bukod sa itaas, ay ang aking sarili. Hindi ko na kailaman kikilalanin ang mga tao ng mas malalim pa. Ayokong magkaroon pa ako ng karapatan na husgahan sila. Tama na, na sarili ko na lamang. 

Gusto ko lamang ilabas ang aking saloobin. Maging ako'y walang kamalay sa'king mga nasabi. Magulo, salaula, halo-halo at paulit ulit. Pangarap kong maging isang manunulat, ngunit, siguro'y dala ng galit, nasabi ko ang mga ito. Hindi ako bulag. Makulay ang aking buhay, ngunit sapat ng aminin ko, masyado itong boring. Salamat sa Panginoon, na siyang lagi kong sandigan. At tanging pinagkakatiwalaan. At sa aking mga kaibigan. Alam kong alam nila kung sino sila.